MANILA, Philippines - Pinayuko ng Cignal ang CafeFrance sa iskor na 88-74 upang itala ang kanilang unang panalo sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Arena kahapon.
Kumopo ng 21 puntos si dating JRU guard Byron Villarias, tampok ang limang tres para sa Hawkeyes.
Maagang kinontrol ng Hawkeyes ang tempo sa bungad pa lang ng first quarter nang itala ang 14-3 kalamangan, bago pinalobo ito sa 73-49 pagdating ng fourth quarter.
“Well it really gave us the confidence right now that we can win in this league,” pahayag ni Cignal head coach Boyet Fernandez ukol sa kanilang panalo. “Hopefully we can continue to learn and improve our team.”
“Everybody played well off the bench. Credit to the starters for starting well, I’m happy that we all stepped up (today)” dagdag pa ni Fernandez.
Nasayang naman ang 29 puntos at 16 rebound ni Congolese center Rodrigue Ebondo para sa Bakers nang hindi niya nadala ito sa panalo at matikman ang unang kabiguan para tablahan ang Hawkeyes sa 1-1 kartada sa standings.
Samantala, minatsahan ng Tanduay ang Wangs Basketball, 94-81 para sa kanilang unang panalo sa unang laro.
Nagtala ng 27 puntos si dating Star Hotshot Mark Cruz mula sa bench upang pangunahan ang Rhum Masters na nakabalik sa porma matapos ang unang kabiguan.
Nakalubog sa 7-2, sa first quarter, pinagana ng Rhummasters ang kanilang opensa sa pagbuslo ng 22 fastbreak points kumpara sa 12 lamang ng Courieres na nging tulay ng kanilang panalo. FLumba