MANILA, Philippines - Bago ang stepladder semifinals sa Lunes, maghaharap muna ngayon ang defending champion St. Benilde Lady Blazers at San Beda Red Lionesses para pag-agawan ang ikatlong puwesto sa women’s division habang ang reigning titlist Perpetual Help Altas at St. Benilde Blazers magtutuos para sa top spot ng men’s standing sa 92nd NCAA volleyball tournament na gaganapin sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Ang Lady Blazers at Red Lionesses ay parehongtumapos sa elimination round na may 6-3 win-loss slate kaya ang mananalo sa kanilang laro sa alas-2 ng hapon ay uupo sa ikatlong puwesto.
Ang laban ng Lady Blazers at Red Lionesses ay magiging warm up na rin sa kanilang pagtatagpo sa unang araw ng stepladder semis kung saan ang magwawagi ay lalaban sa No. 2 na Arellano Lady Chiefs na may hawak na 8-1 card at tangan ang twice-to-beat edge.
Nangyari ang stepladder semis matapos walisin ng San Sebastian Lady Stags ang elimination round, 9-0 upang dumiretso sa Finals dala ang thrice-to-beat advantage.
Tinalo ng Lady Stags ang Lady Blazers, 22-25, 25-22, 25-13, 25-14 noong Miyerkules upang masungkit ang kanilang ikalawang sunod na sweep sa pangunguna ni Grethcel Soltones na umiskor ng 30 puntos kabilang na ang 29 kills.
Sa men’s division naman, tabla ang Perpetual Help Altas at St. Benilde Blazers sa 8-1 record pagkatapos ng elimination round kaya nakuha nila ang twice-to-beat advantage.
Ang mananalo sa Altas at Blazers sa kanilang laban sa alas-12 ng tanghali ay manatili sa top spot at haharap sa No. 4 Arellano Chiefs (6-3) habang ang matatalo ay lalaban sa No. 3 na San Beda Red Spikers (7-2) sa Final Four na magsisimula sa Lunes.
Ang defending Juniors champion na Perpetual Help Altalettes (No. 3) ay lalaban rin sa No. 4 Arellano Braves sa alas-10 ng umaga sa isang knockout game sa pagsisimula ng kanilang stepladder semis upang malaman kung sino ang haharap sa No. 2 na Emilio Aguinaldo Brigadiers (6-1). Tumapos ang Altalettes sa 5-2 record habang ang Arellano Braves ay ta-ngan ang 4-3 card.
Nangyari ang stepladder semis sa Juniors competition matapos walisin ng Lyceum Junior Pirates ang elimination sa 7-0 record at dumiretso na sa Finals dala ang thrice-to-beat edge.