Phl Boxing Comm. ipinanukala ni Pacquiao

MANILA, Philippines - Kung maitatakda ang pang-limang salpukan nina Sen. Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa 55,000-seat Philippine Arena sa Bulacan sa Nobyembre ay hahawak ng mahalagang papel ang ipinapanukalang Philippine Boxing Commission (PBC).

Ang naturang Senate Bill No. 191 kung saan si Pacquiao ang tumatayong principal author ay naglalayong magtatag ng boxing authority na may admi-nistrative supervision ng Office of the President.

Noong siya ay Congressman ng Sarangani ay ipinanukala ni Pacquiao ang pagbuo ng PBC sa pamamagitan ng pagsusumite ng House Bill No. 59.

Hangad ng PBC na palakasin ang boxing at magbigay ng kabuhayan at kaligtasan sa mga professional boxers.

Sa suporta ni Presidente Rodrigo Duterte, kumpiyansa si Pacquiao na maaaprubahan ang PBC na maaaring makatulong sa pagdaos ng malalaking boxing events sa bansa kagaya ng bakbakan nina Pacquiao at Marquez.

Kung ito ay magiging isang batas ay isusuko ng Games and Amusements Board (GAB) sa PBC ang kanilang hurisdiksyon sa professional boxing.

Dahil dito ay pangangasiwaan na lamang ng GAB ang iba pang professional sports sa bansa kagaya ng basketball, mixed martial arts at horseracing.

Ngunit may isang probisyon sa panukalang PBC na ang tatlong silya sa Board ay ibibigay sa mga GAB representatives.

Ang rekomendasyon ay mamahala ang chairman at anim na miyembro ng PBC Board, habang ang executive director ang magpapatakbo sa PBC.

Show comments