Kings pinabagsak ang Cavaliers

Si LeBron James ng Cleveland laban kay Matt Barnes ng Sacramento sa isang tagpo ng kanilang sagupaan.

CLEVELAND – Hindi na nasisiyahan si LeBron James sa mga nangyayari.

At nadagdagan pa ang kanyang pagkainis nang isalpak ni Arron Afflalo ang isang three-pointer sa natitirang 17.3 segundo sa overtime na naghatid sa Sacramento Kings sa 116-112 panalo sa Cavaliers.

“We gotta get better,” sabi ni James matapos ang kabiguan ng Cleveland sa Sacramento. “That’s all.”

Ito ang ikaanim na pagkatalo ng Cavaliers sa kanilang huling walong laro at nahaharap ngayon sa suliranin matapos hamunin ni James ang kanyang mga kakampi na maglaro para manalo bukod pa sa kahilingan sa management ng pagbabago sa line-up.

Ipinoste ni James ang kanyang ikalawang sunod na triple-double sa tinapos na 24 points, 13 rebounds at 11 assists.

Nagdagdag naman si Kevin Love ng 21 points at 16 rebounds, habang may 20 markers si Kyrie Irving para sa Cavs na naimintis ang 17 sa kabuuan nilang 34 free throws.

May tensyon sa loob ng locker room ng Cleveland kung saan mabilis na nagbihis at naghanda para umalis si James na karaniwang isang oras ang itinatagal sa kanyang pagligo at pagbihis.

Bago ang laro ay nakipag-usap si James sa kanyang mga teammates at kina coach Tyronn Lue at general manager David Griffin kaugnay sa kanyang maanghang na komento matapos ang pagyukod ng Cleveland sa New Orleans Pelicans noong Lunes.

“It was the most misguided comment that came out of any of this,” sabi ni Griffin kay James.

Habang naging masaya si Griffin sa resulta ng kanilang pag-uusap, ayaw namang idetalye ni James ang mga nangyari.

“I’m just trying to win ballgames,” wika ni James. “That’s all that matters.”

Kumolekta si DeMarcus Cousins ng 28 points at 10 rebounds para sa panalo ng Kings na bumangon mula sa five-point deficit sa Cavaliers sa huling 2:30 minuto sa overtime.

Nag-ambag si Darren Collison ng 23 points para sa Kings na iniwanan din ng Cavaliers sa kinuhang 10-point lead sa fourth quarter.

Show comments