MANILA, Philippines - Ang pagsikwat sa silver medal ang hangad ng bagong national men’s volleyball team coach na si Sammy Acaylar sa kanilang kampanya sa darating na 29th Southeast Asian Games na nakatakda sa Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Since I have won a bronze medal already, I hope to make the finals and win a silver or a gold this time,” wika ni Acaylar, ang head coach ng national team na kumuha sa bronze medal noong 1991 Southeast Asian Games na idinaos sa Manila.
Ngunit aminado si Acaylar na hindi ito magiging madali dahil walong buwan lamang magsasanay ang koponan para sa Malaysia SEA Games.
Problema din ang pondo na gagamitin sa pagsasanay ng national team.
“I will be a hypocrite if I say we don’t need it. We need financial support to fund our preparation,” sabi ni Acaylar.
Samantala, magdaraos si Acaylar ng ilang serye ng tryouts para sa mga players na nasa probinsya na maaaring maisama sa Under-23 team.
“We all know that we have so many talents from the provinces so we’re planning to hold tryouts in Cebu, Davao and some other parts of the country not just Manila because I want a team of veterans and young ones,” ani Acaylar.
Sa Maynila ay gusto naman ni Acaylar na kumuha ng mga players mula sa UAAP, NCAA at Armed Forces.
Ang mga gusto niyang hugutin para sa national team ay sina Mark Alfafara, Mark Espejo, Ysay Marasigan, Raymark Woo, Bonjomar Castel, Reylan, Rey Taneo at Johnvic de Guzman. (JV)