Liyamado,dehado nagsalitan lang
MANILA, Philippines - Nagsalitan sa panalo ang mga liyamadong kabayo at dehado sa unang anim na karera kahapon sa Saddle & Leisure Park sa karerahan ng Santa Ana Park.
Ang unang nagpasikat ay ang outstanding pick na Mamahalin na sinakyan ni jockey Conrad P. Henson. Nasegundo ang Hello Gorgeous, bago ang Minotaur, Michika at Asian Beauty.
Sa second race ay bumulaga ang El Mundo at ang inaasahang Real Flames na ginabayan ni Rodeo G. Fernandez ay umukupa lang ng ikaapat sa puwesto.
Ang biglang sumirit sa bentahan na Smart Kid na dinala ni Jerome W. Saulog ang siyang nakaungos sa handicap-4 na sinalihan ng 10 iba pang kalahok. Namalagi ito sa hulihan ng grupo at nagparemate lang mga ilang metro na ang layo sa meta at eksaktong natuka niya ang Ace Of Diamond na isa ring dehado.
Sa Invitational race naman para sa post Christmas race ay hindi nagtagumpay ang pinakadehadong Santorini na pag-aari ng newspaperman na si Estanislao C. Lazaro.
Sa likuan, mga 400 metro na lamang ang layo sa meta ay biglang sumulpot ang Santorini na pinatakbo ni apprentice J.B. Senido pero hindi na naka-abot sa paboritong Magnolia’s Classic na dala rin ng isa pang apprentice si R.B. Simplicio.
Sa isa pang post Christmas invitational race, nasilat ng far second choice na Magic Carpet Ride na sinakyan ni Jomel Lazaro ang very outstanding favorite na Niccole Girl na nirendahan ni Onil P. Cortez. (JM)
- Latest