NEW YORK – Hindi nagsasalita si LeBron James tungkol sa mga pinipili niyang hotels at lalo na tungkol sa mga sinasabi ni Phil Jackson pero gumawa siya at ang kanyang mga teammates ng statement sa loob ng court.
Umiskor si James ng 25 points, nagtala sina Kyrie Irving at Kevin Love ng higit sa 20 nang durugin ng Cleveland Cavaliers ang New York Knicks, 126-94 nitong Miyerkules.
Ito ang unang paghaharap ni James at ng New York team ni Jackson na nagsabing mga ‘posse’ o tauhan ni James ang kanyang mga kaibigan at business partners noong nakaraang buwan sa isang panayam ng ESPN.
Tumanggi si James na sagutin ang mga tanong tungkol sa Knicks president na nanood ng laro sa kanyang karaniwang puwesto ilang hanay sa likod ng center court.
“I’m motivated for the love of the game, I’m motivated by the process, I’m motivated knowing that my kids are watching me tonight on national television,” sabi ni James. “So I don’t need much more.”
Sa Los Angeles, umiskor si Klay Thompson ng 24 points, nagdagdag si Draymond Green ng 22 points nang pasadsarin ng Golden State Warriors ang Clippers, 115-98 para sa kanilang ikapitong sunod na panalo laban sa Los Angeles.
May 19-puntos si Stephen Curry para sa Golden State habang nalimitahan si Kevin Durant sa 16-points mula sa 5-of-17 shooting matapos mag-average ng team-best na 27.0 points.
Nabigo si Curry na makapagpasok ng 3-pointer sa ikalawang pagkakataon ngayong season dahil sa kanyang 0-of-8 shooting.
Ang Warriors ay 7-of-30 mula sa long range.
Umiskor si Jamal Crawford ng 21 points para sa Clippers na natalo ng lima sa pitong laro. Apat sa kanilang kabuuang pitong pagkatalo ay nangyari sa sarili nilang balwarte.