Sigurado si Meralco coach Norman Black na ma-laking pagsubok ang kanilang haharapin sa laban kontra sa TNT KaTropa ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Malaki ang motibasyon ng mga Texters dahil sasagupain nila ang koponang pumigil ng kanilang ratsada sa nakaraang PBA Governors’ Cup.
Dahil sa naligwak ang kanilang championship aspiration sa upset sa Meralco sa Governors’ Cup Final Four, nasipa sa puwesto bilang head coach si Jong Uichico at napalitan ni Nash Racela.
“Our game versus TNT will be a big test for us,” ani Black lalo na at wala na si import Allen Durham bilang matibay na sandalan.
Kailangan kumayod ng husto sina Chris Newsome, Cliff Hodge, Jared Dillinger, Kelly Nabong, Baser Amer, Reynel Hugnatan at Joseph Yeo kung muli nilang papataubin ang mga Texters.
“They are one of the strongest teams in the league so we must play our best basketball,” ani Black. “Slowing down the high scoring combo of Jayson (Castro) and Ranidel (de Ocampo) will be our main focus, but we will also have to keep track of their shooters. Once again, defending them will be the key.”
Asam ng mga Texters ang ikatlong sunod na panalo matapos ang 108-103 panalo kontra sa Barangay Ginebra at ang 99-92 follow-up win versus Blackwater.
Habol naman ng Meralco na iangat sa 2-1 ang kanilang record pagkatapos madapa kontra sa Blackwater, 84-86 at ang pagbangon sa pamamagitan ng 106-93 panalo kontra sa NLEX.
Haharapin ng Bolts ang Texters sa kanilang unang laro sa giya ni Racela.
Rumatsada ng 2-1 start sa torneo ang TNT sa ilalim ng pamumuno ni interim coach Josh Reyes habang tinatapos pa ni Racela ang kanyang commitment sa FEU Tams sa UAAP.
Eleven-one ang mainit na kartada ng TNT bago sibakin ng Meralco last conference. At ang panalong iyon ang naghatid sa Meralco sa kauna-unahang pagtuntong sa PBA Finals.
Ang problema nila ngayong gabi -- nanggagalaiti ang mga Texters na makabawi.