MANILA, Philippines - Binuksan ng National University ang kanilang kampanya para sa back-to-back championship sa pamamagitan ng 104-54 panalo laban sa University of the East nitong weekend sa UAAP Season 79 juniors basketball tournament sa Filoil Flying V Centre.
Nagtala si John Lloyd Clemente ng 21 points, apat na rebounds at tatlong assists habang si Rhay-yan Amsali, isa na ngayong starting center matapos mag-graduate si Justine Baltazar, ay nagdagdag ng 18 points at six rebounds para sa Bullpups.
Hindi naman pinalad ang runner-up noong nakaraang taon na La Salle-Zobel matapos yumukod sa Far Eastern University-Diliman.
Tumapos si Jack Gloria ng 15 points, 11 rebounds, two assists at two steals habang si Xyrus Torres ay may 11 points nang pabagsakin ng Baby Tamaraws ang Junior Archers, 66-56.
Iginupo naman ng Ateneo sa pangunguna ni Samjosef Belangel na may 20-point at 15-rebound, ang University of Santo Tomas, 66-55 habang pinangunahan naman nina Carl Tamayo at Florencio Serrano ang Adamson sa pinagsamang 28 points upang igupo ang UP Integrated School, 82-59.
Nawala sa koponan ng De La Salle-Zobel sina Aljun Melecio, Brent Paraiso at Marco Sario, na umakyat na sa college ranks.