MANILA, Philippines – Sa isang iglap ay napabagsak ni Juan Manuel Marquez si Manny Pacquiao sa huling segundo ng sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Disyembre ng 2012.
Ayon sa Mexican boxing legend, hanggang nga-yon ay nagsisilbi itong multo para kay Pacquiao.
Sa kanyang unanimous decision win laban kay Jessie Vargas noong Nobyembre 6 ay naging mai-ngat sa kanyang estratehiya ang Filipino world eight-division champion.
At muling naalala ng 37-anyos na si Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) ang naturang knockout loss niya kay Marquez nang tamaan ng right hand ni Vargas (27-1-0, 10 KOs) sa isang bahagi ng laban.
“Those right hand blows that landed from Jessie Vargas made Manny Pacquiao think,” wika ng 43-anyos na si Marquez (56-7-1, 40 KOs) sa pana-yam ng BoxingScene.com. “Getting hit with that right hand counter is still fresh in his memory.”
Napatumba naman ni Pacquiao si Vargas sa second round mula sa kanyang left straight patungo sa pag-agaw sa dating suot na World Boxing Organization welterweight crown ng Mexican.
“So he looks more cautious, fights more from a distance, and he’s not looking like he did in the past, when he fought with that speed, with his animosity to knock the opponent out,” obserbasyon ni Marquez.
Huling nakapagtala ng knockout win si Pacquiao noong Nobyembre ng 2009 matapos pigilin si Miguel Cotto sa 12th round para agawin sa Puerto Rican ang hawak nitong WBO welterweight belt.
Matapos talunin si Vargas ay ang pangalan ng retiradong si Floyd Mayweather, Jr. (49-0-0, 26 KOs) at ni unified light welterweight titlist Terence Crawford (29-0-0, 20 KOs) ang binanggit ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para posibleng labanan ni Pacquiao sa 2017.
Handa naman si Pacquiao na muling makaharap ang 40-anyos na si Marquez sa pang-limang pagkakataon.
“Yes, I would like to fight him again, because I would like to get even for that fight where he surprised me with only one punch,” wika ni Pacquiao matapos ang panalo kay Vargas.
Huling lumaban si Marquez noong Mayo 17, 2014 kung saan niya tinalo si Mike Alvarado via unanimous decision sa isang non-title, welterweight fight.