Pocari Sweat sa finals na

Hinatawan ni Breanna Mackie ng Pocari Sweat sina Marivic Meneses at Chlodia Cortez ng UST.
PM photo ni Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines - Ipinakita ng Pocari Sweat ang kanilang malalim na ekperyensiya laban sa mas batang University of Sto. Tomas sa pamamagitan ng 25-17, 24-26, 26-24, 25-27, 15-8 panalo kahapon upang walisin ang kanilang best-of-three semifinal series sa  Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City.

Bunga ng kanilang dikit na panalo, aabanse ang defending champion Lady Warriors sa best-of-three finals na kanilang ikalawang sunod sa liga.

Haharapin nila ang mananalo sa BaliPure  at Bureau of Customs sa kanilang semis match na nilalaro pa habang sinusulat ang balitang ito.

Kung may Game 3, gagawin ito bukas sa alas-6:00 ng gabi ngunit kung mananalo ang Bali Pure ay sisimulan na ang kanilang titular showdown ng Pocari pagkatapos ng alas-4:00 ng hapong battle for third place.

Nagtulung-tulong sina Bre Mackie, Michele Gumabao at Myla Pablo para matapos na ang semis match sa mahabang limang sets.

Samantala, ang defending champion Cignal at ang runner-up noong nakaraang taon na Philippine Air Force  ay muling maghaharap sa finals ng 2nd Spiker’s Turf Reinforced Conference pagkaraang walisin ang kanilang magkahiwalay na semifinal matches kahapon na ginanap sa parehong venue.

Tumapos si Lorenzo Capate Jr. ng 11 kills sa kabuuang 12 puntos para pangunahan ang 25-20, 25-19, 25-20 panalo ng HD Spikers kontra sa Champion Supra sa Game Two habang ang Jet Spikers ay nagwagi laban sa Instituto Estico Manila, 23-25, 25-16, 25-12, 25-17 para muling umusad sa finals.

Uumpisahan ng reigning titlist Cignal at rival Air Force ang kanilang ikatlong paghaharap sa best-of-three championship bukas. (FCagape)

Show comments