Globalport, Quiñahan okay na

MANILA, Philippines - Matapos ang ilang linggong ligawan ay pumayag na rin si center JR Quiñahan na maglaro para sa Globalport.

Lumagda ang 6-foot-6 na si Quiñahan sa inalok na two-year maximum contract ng Batang Pier matapos ibigay ng Rain or Shine Elasto Painters kapalit ni Jay Washington sa nakaraang one-on-one trade.

Makakasama ng Cebuano slotman para sa frontline ng Globalport ni team owner Mikee Romero sina Doug Kramer, Yousef Taha at Rico Maierhofer.

Bago lumagda sa Batang Pier ay humingi si Quiñahan sa Elasto Painters ng two-year maximum deal matapos magtala ng impresibong mga averages na 11.67 points, 4.91 rebounds at 1.87 assists para pumuwesto sa No. 15 sa karera para sa PBA Most Valuable Player award sa nakaraang season.

Susi din si Quiñahan sa paghahari ng Rain or Shine ni coach Yeng Guiao, lumipat sa NLEX, sa PBA Commissioner’s Cup.

Ngunit hindi naibigay ng Elasto Painters ang kanyang hinihinging kontrata.

Naglaro si Quiñahan para sa Rain or Shine sa loob ng limang taon at nakasama sa unang PBA championship ng koponan noong 2012 PBA Governor’s Cup.

Sa nakaraang 2016 PBA Rookie Draft ay kinuha ng Globalport sa Gilas Pilipinas pool special draft si Von Pessumal at sina Alfrancis Tamsi, Ryan Arambulo at big man Spencer Eman mula sa regular draft.

Samantala, dadalhin ng Star si scoring guard RR Garcia sa San Miguel para sa isang multi-team trade sangkot ang Mahindra.

Si Garcia, naglaro sa Hotshots sa nakaraang PBA Governor’s Cup mula sa three-team, eight-player trade, ang ikalawang guard na pakakawalan ng Star matapos ibigay si Alex Mallari sa Mahindra para kay 6’6 Aldrech Ramos. (RCadayona)

Show comments