MANILA, Philippines - Pag-aagawan ng Pocari Sweat at BaliPure Water Defenders ang ikalawang puwesto sa kanilang paghaharap ngayon habang tatapusin naman ng pang-apat na Bureau of Customs ang kampanya sa eliminations round sa pakikipagtuos sa Philippine Air Force sa Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference na gaganapin sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kahit may dalawang playing dates pa ang natitira sa single round elimination, kumpleto na ang semifinal casts na binubuo ng nangungunang University of Sto. Tomas (5-1), Pocari (4-1), BaliPure (4-1) at Bureau of Customs na tangan ang 4-2 kartada.
Nabigo namang pumasok sa semis ang University of the Philippines Lady Maroons (3-4), Philippine Air Force (2-4), Laoag Power Smashers (2-5) at Philippine Coast Guard (0-6).
Importante pa rin para sa BaliPure Water Defenders at Pocari ang pagtatagpo nila ngayon dahil sa hangarin na tumapos sa elims sa ikalawang upuan at makaharap sa best-of-three semifinals ang no. 3 qualifier habang ang No. 1 at no. 4 qualifiers naman ang maghaharap sa isa pang semis match.
“We have sorted out our chemistry issues by making sure we have communications in and out of the court. Because of that, we are improving every game and hopefully we will be a better team come the semis,” sabi ni BaliPure team captain Charo Soriano.
Haharapin ng BaliPure ang Pocari sa alas-4 ng hapon habang ang Customs at Air Force ay maglalaban sa alas-6 ng gabi.
Sa Spiker’s Turf Reinforced Conference ay magtatagpo naman ang IEM kontra Army sa alas-10:30 ng umaga at ang 100 Plus ay makikipagtuos sa Cignal sa alas-12:30 ng tanghali sa parehong venue.
Ang tanging talo lamang ng BaliPure ay sa mga kamay ng mga UST Tigresses, 25-21, 25-27, 23-25, 13-25 sa kanilang pinaka-unang laro noong Oct. 8.
Nagpahayag ng ma-laking tiwala sa koponan si coach Sherwin Me-neses ng Customs Transformers na tumapos ng eliminations tangan ang 4-2 kartada para sa ika-apat na puwesto.
“Never mind the difficult ones, but if we can get the easy balls, we will have a strong chance,” sabi ni Meneses. (FCagape)