MANILA, Philippines – Magsisimula nga-yong araw ang labanan para sa kampeonato ng 2016 Spikers' Turf Collegiate Conference sa pagitan ng Ateneo at NU na gaganapin sa PhilSports Arena sa Pasig.
Itataya ng Ateneo ang kanilang malinis na kartada laban sa koponan ng NU na bigo silang talunin noong nakaraang Collegiate Conference, sa Game One ng kanilang best-of-three na serye na mag-uumpisa sa alas-12:00 ng tanghali.
Magtutuos ang top two sa spiking at blocking ngayong conference kung saan nangunguna pareho ang Bulldogs na nasa 52.42% sa spikes na sinusundan ng Blue Eagles na nasa 50.65%, habang nakakapagtala naman ng 2.21 blocks per set ang Bulldogs kontra sa 2.13 per set ng Blue Eagles.
Magiging bentahe naman ng Blue Eagles ang kanilang mahusay na performance sa service area at floor defense dahil sa 47.04% efficiency sa reception kontra sa 43.97% ng Bulldogs.
Ngunit hindi lamang stats ang magpapaganda sa serye.
Kapwa nila winalis ang kanilang mga kalaban sa semi’s sa kartang 2-0, kung saan tinalo ng Bulldogs ang UST, 25-21, 25-21, 25-23 sa Game One at 25-19, 25-18, 25-21, naman sa Game Two, habang nalagpasan naman ng Blue Eagles ang hamon ng karibal na De La Salle sa Game One, 25-16, 17-25, 25-23, 26-28, 15-7 bago tinapos ang serye sa Game Two, 26-24, 25-19, 25-17.
Kapwa nasubukan ang parehong koponan patu-ngong Finals at dadalhin nila ang kanilang mala-lakas na opensa at matitinding depensa.
Aasahan ni Ateneo coach Oliver Almadro sina Marck Espejo, Rex Intal, Joshua Villanueva, Karl Baysa at prized rookie Paul Koyfman kasama si setter Joner Polvoros upang tapatan ang puwersa nina Madz-lan Gampong, Fauzi Ismail, Bryan Bagunas, Fancis Saura, Kim Malabunga at si playmaker Kim Dayandante para kay NU coach Dante Alinsunurin. FML