Mahihirapan si Baldwin pumili
MANILA, Philippines – Inaasahang papangalanan ni Gilas Pilipinas coach Tab Baldwin ngayong linggo ang 14 players na sasabak sa three-week European training na bahagi ng paghahanda para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa MOA Arena sa July 5-10.
Dahil pasok na si naturalized player Andray Blatche sa lineup, ang mga pangunahing kandidato para sa 14 spot ay sina PBA players Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Jayson Castro, Jeff Chan, Ranidel de Ocampo, June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Gabe Norwood, Marc Pingris, Ryan Reyes, Terrence Romeo, Troy Rosario at LA Tenorio.
Sina NBA D-League player Bobby Ray Parks at Gilas cadets Kiefer Ravena, Roger Pogoy, Mac Belo, Russell Escoto at Kevin Ferrer ay kasama sa inisyal na 24-man lineup na isinumite sa FIBA.
Sumabay sila sa pakikipag-ensayo sa training pool at maaaring maikunsidera ni Baldwin para sa kanilang paglahok sa European meet.
Halos wala namang tsansa si back-up naturalized player Moala Tautuaa na mapabilang sa koponan.
Wala pang katiyakan kung papangalanan ni Baldwin ang 14 players bago o matapos ang two-day tune-up ng Gilas laban sa Iran national team bukas at sa Miyerkules.
Ang second session ay isang friendly match sa ganap na alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang unang pagkakataon na maglalaban ang dalawang koponan matapos talunin ng Team Phl ang Iran, 87-73 sa elimination-round play ng 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China.
Tumapos ang Gilas at Iran bilang No. 2 at No., 3 para makapaglaro sa FIBA OQTs.
Kagrupo ng Gilas sa Manila OQT ang New Zealand, France, Turkey, Canada at Senegal habang kasama ng Iran sa Turin OQT ang Italy, Greece, Mexico, Tunisia at Croatia.
- Latest