Knicks interesado kay Hornacek

NEW YORK – Gustong makuha ng New York Knicks si Jeff Hornacek bilang susunod nilang coach.

Gumagawa ng hakbang ang koponan para makuha si Hornacek, ayon sa source ng The Associated Press.

Nakipag-usap si President of Basketball Operations Phil Jackson sa dating Phoenix Suns coach at kapwa interesado ang isa’t isa pero hindi pa nasisimulan ang negosasyon sa kontrata.

Tinapos ng Knicks ang season na si Kurt Rambis ang kanilang interim coach matapos sibakin ni Jackson si Derek Fisher noong February.

Nakipagkita rin si Jackson kay dating Cleveland coach David Blatt at dating Indiana coach Frank Vogel bago bumaling kay Hornacek.

Si Hornacek ay 101-112 sa loob ng 2 1/2 seasons sa Phoenix bago sinibak noong Feb. 1 matapos magtala ng 14-35 record.

Hindi inaasahang ikokonsidera si Hornacek dahil may ibang minamataan si Jackson na malapit sa kanya.

Show comments