CLEVELAND - Ipinoste ni Le-Bron James ang kanyang pang-41 career triple-double nang tulungan ang Cavaliers sa 124-91 pananambak sa Denver Nuggets para sa kanilang ika-50 panalo at tuluyan nang angkinin ang ikalawa nilang sunod na Central Division title.
Tumapos si James na may 33 points, 11 rebounds at 11 assists bago makatanggap ng standing ovation sa Quicken Loans Arena.
Umiskor siya ng 17 points sa first quarter para tulungan ang Cavs na maitayo ang 19-point lead makaraan ang kanilang pagkatalo sa Miami Heat.
“It was in the back of our minds, for sure,’’ wika ni James sa 101-122 pagyukod ng Cavs sa Heat. “You just can’t erase a performance like that. No matter if it was our fifth game in seven nights, we just didn’t bring it the way we should and tonight we responded very well.’’
Sa pagsunog ni James sa statistics, umingay naman ang internet dahil sa sinasabing pag-unfollow ni James sa Twitter account ng Cavs.
“Next question,” sagot ni James sa pagtatanong sa kanyang ginawa.
Nagdagdag naman si J.R. Smith ng 15 points kasunod ang 14 ni Channing Frye para sa Cleveland na naglaro nang wala si starter Kevin Love (illness).
Umiskor si Will Barton ng 27 sa panig ng Nuggets na hindi natulungan ni Kenneth Faried sa ikatlong sunod na laro bunga ng kanyang namamagang lower back.
“It was embarrassing,’’ sabi ni coach Mike Malone. “An embarrassing effort. A very good team, obviously, a team that went to the finals, but I thought in the second half we quit. I haven’t seen that from our team most of the year. I’m very disappointed with that. I did not like our effort, out focus, our intensity and our fight for 48 minutes.’’
Samantala, ginitla naman ng Charlotte Hornets ang San Antonio Spurs, 91-88 na tinampukan ng 15 points ni Jeremy Lin sa fourth quarter.
Umiskor ang 27-anyos na reserve guard ng 12 points sa second quarter para tulungan ang Charlotte na makabangon mula sa 23-point deficit sa San Antonio.