MANILA, Philippines – Hindi inasahan ni San Miguel coach Leo Austria na makukumpleto nila ang pagbangon mula sa 0-3 pagkakaiwan kontra sa Alaska sa kanilang best-of-seven championship series. Ang nasa isip lamang niya ay ang makaiwas sa tangkang sweep sa kanila ng koponan ni American coach Alex Compton.
Matapos ibaon ng Aces sa 3-0 ay nagawa ng Beermen na makaiwas sa sweep nang mailusot ang 110-104 overtime win sa Game Four bagama’t nanatili sa bench si June Mar Fajardo bunga ng left knee injury.
Sa Game Five ay pinilit ni Fajardo na ipasok siya sa laro ni Austria. Nagsalpak si Fajardo ng 13 points para sa kanyang unang paglalaro sa title series at natulungan ang San Miguel na talunin ang Alaska sa ikalawang overtime game, 86-73.
“We fought them in a close fight in each of the first three games. All those games could’ve gone either way,” sabi ni Austria. “So we probably can say that we can beat them even without June Mar. But we could’ve not salvaged the series without him.”
Naipuwersa ng San Miguel ang Game Seven nang kunin ang 100-89 panalo sa Alaska sa Game Six tampok ang 16 points ni Fajardo.
Sa Game Seven, may kakaibang strategy si Compton na ginawa nang ubusin niya ang tatlo nilang mandatory timeouts matapos ang opening tip kasunod ang pagpapalit sa starting five na sina Cyrus Baguio, Dondon Hontiveros, Eric Menk, Rome dela Rosa at center Sam Eman para pagurin ang 6-foot-10 na si Fajardo at sina Arwind Santos, Alex Cabagnot at Chris Ross.
Tinalo ng Beermen ang Aces sa Game Seven, 96-89 para tuluyan nang angkinin ang kampeonato ng 2016 PBA Philippine Cup noong Miyerkules ng gabi sa napunong Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kinumpleto ng San Miguel ang pagsusulat ng kasaysayan bilang tanging koponan na nakabangon mula sa 0-3 pagkakabaon sa serye.
“Hindi ko alam paano kami nakabalik. But nagkaroon sila ng sense of urgency. Because of our expe-rience last season, they know how to lose and how to win, especially in the championship,” sabi ni Austria.
Nanggaling si Fajardo, ang back-to-back PBA Most Valuable Player, mula sa isang hyperextended left knee injury na kanyang nalasap sa kanilang semifinals showdown ng Rain or Shine.
“You have to give it to June Mar. He’s still injured but he begged to be allowed to play, and he didn’t disappoint us,” sabi ni Austria sa Cebuano giant na hinirang na Best Player of the Conference.