MANILA, Philippines – Maayos na naigiya ni jockey Jonathan B. Hernandez ang Tap Dance para manguna sa 2016 Philippine Racing Commission 4-year old and above stakes race kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Naunang napalundag ni Hernandez itong si Tap Dance pero pansamantalang ibinigay kaagad ang una-han kay Penrith dala ni Mark Alvarez para hindi gaanong makaramdam ng lutsa sa unang bahagi ng karera.
Sa kalagitnaan lang ng labanan ay inagaw nina Tap Dance at Hernandez ang unahan at mula rito ay hindi na nagpabaya ang tambalan para tungo sa panalo para sa P300,000 unang premyo para sa top horseowner na si Atty. Narciso O. Morales.
Binagtas ng Tap Dance, isang limang taong kastanyong kabayo mula sa istalyong Cowboy at inahing si Faster Tapper ang distansiyang 1,300 meters sa bilis na 1:18.4 sa mga quarter time na 7; 22.5; 23; at may dating pang 26 segundo.
Pumangalawa ang dehadong si Manalig Ka na pinatakbo ni Fernando M. Raquel Jr., para sa premyong P112,500 samantalang tersero naman ang Hot And Spicy na nirendahan ni Rodeo G. Fernandez para pa rin sa P62,500 at ang kumumpleto ng line-up si Penrith na nakakuha rin ng P25,000 fourth placer purse.
Gagawin naman ngayong gabi ng Lunes ang karera sa obalo ng Metro Turf na matatagpuan sa Malvar-Tanauan, Batangas kung saan walong karera ang naihanda ng handicapping section.
Limang pakarera ang naisponsoran ng Philippine Racing Commission/MMTCI na tinawag na mga special races na ikalawa, ikaapat, ikaanim, ikapito at sa huling karera.
Patuloy pa rin ang pananalasa ng mga dehadong kalahok noong Sabado sanhi ng paglaki ng mga dibidendo lalo na sa mga exotic bettings.
Sa unang set ng take all ay P52,116 kaagad ang premyo at ito ay lumobo pa sa P341,368 sa ikalawang set. Sa pick six ay P17,096 ang unang set na lumaki sa P82,224 sa second set. Sa unang pick five ay P2,453 lamang ang dibidendo na umakyat sa P13,567 sa se-cond set at sa pick four ay okey pa rin ang P2,523.
Ang ilang sa matinding dehado na nagwagi ay ang Hard Mineral na pinatakbo ni apprentice jockey O.P. Cortez sa race five.
Dehado rin ang Maybe This Time na ginabayan ni Conrad P. Henson na nanalo sa race seven.