MELBOURNE, Australia - Pinatumba ni Andy Murray si Milos Raonic 4-6, 7-5, 6-7 (4), 6-4 6-2, para makapasok sa finals ng Australian Open laban kay Novak Djokovic.
Dalawang beses bumangon ang World No. 2 na si Murray mula sa kabiguan sa first at third set para sibakin si Raonic sa kanilang semifinals match.
Ang pagkakaroon ng leg injury ang nagpahirap sa pagkilos ng Canadian netter.
Isinara ni Murray ang laro nang ilusot ang isang crosscourt winner para sa kanyang pang-limang finals sa Melbourne Park.
Ito ang magiging ikaapat na pagharap ni Murray kay Djokovic, ang Serbian World No. 1 player.
“I started to get a slightly better read on his serve later on and that was the key,” wika ni Murray, natalo kay Djokovic sa 2015 finals.
“He definitely slowed down in the fifth set for sure which was unfortunate for him,” dagdag pa nito sa leg injury ni Raonic. “I obviously got a bit lucky on that but you just try to focus on your side of the court.”
Nauna nang pinatalsik ni Djokovic si Roger Federer sa pamamagitan ng isang four-set win kamakalawa.
Sa kanilang finals rematch ay nagkakaroon ang Serbian ng sapat na oras para makapagpahinga.
“It’s worked both ways for me. I played five finals. Definitely not every time it’s been me playing on the Friday. I think a couple of times I played the Thursday match,” sabi ni Murray.