CLEVELAND – Tuluyan nang sinibak ng Cavaliers si coach David Blatt, pagbubunyag ng league sources sa Yahoo Sports.
Pumayag si Tyronn Lue, ang top assistant ni Blatt, sa alok sa kanyang three-year deal na nagkakahalaga ng $9.5 million-plus para maging bagong head coach ng Cavaliers.
Ang kontrata ay pareho ng naunang nilagdaan ni Blatt.
Solidong suporta ang ibinigay ni LeBron James sa pagkakahirang kay Lue.
Iniwan ni Blatt ang Cleveland na may 30-11 win-loss record matapos igiya ang koponan sa nakaraang 2015 NBA Finals kung saan sila tinalo ng Golden State Warriors.
Si Blatt ang ikatlong coach sa nakaraang 40 seasons na sinibak ngayong season.
Sinabi ni Cavaliers general manager David Griffin na nabigo si Blatt na ibigay sa Cavaliers ang ‘ true identity’.
“Every step forward,” wika ni Griffin. “We’ve taken two steps back.”
Kinuha ng Cavaliers si Blatt, isang matagumpay na mentor sa Euro League bilang head coach noong June 2014 halos dalawang linggo bago nagdesisyon si James na iwanan ang Miami Heat at bumalik sa Cleveland.