MANILA, Philippines – Hirap man sa paglalaro sa final season ng kanyang makulay na NBA career, binanderahan pa rin ng Los Angeles Lakers great Kobe Bryant ang paramihan ng boto bilang starter sa darating na All-Star Game.
Pinamunuan ni Bryant ang lahat ng players sa kanyang nakolektang 1.89 million fan votes, halos 300,000 ang kalamangan sa second-placer na si Stephen Curry para maging isa sa limang Western Conference starters sa annual exhibition.
Ang 18th All-Star berth ang nagdikit kay Bryant, isang four-time All-Star Game MVP at top scorer sa NBA history, kay Hall of Famer at kapwa Lakers great Kareem Abdul-Jabbar na may 19 All-Star appearances.
Ang iba pang Western Conference starters ay sina Curry ng defending NBA champion Golden State Warriors, Kawhi Leonard ng San Antonio Spurs at Kevin Durant at Russell Westbrook ng Oklahoma City Thunder.
Ang mga Eastern Conference starters naman ay sina LeBron James ng Cleveland Cavaliers, Paul George ng Indiana Pacers, Carmelo Anthony ng New York Knicks, Chris Bosh ng Miami Heat at Kyle Lowry ng Toronto Raptors.
Nakatakda ang All-Star Game sa Pebrero 14 sa Toronto, Canada.
Noong Nobyembre ay inihayag ng 37-anyos na si Bryant, nasa kanyang ika-20 season at itinuturing na best player ng kanyang henerasyon, na magreretiro siya matapos ang 2015-16 NBA season.