MANILA, Philippines – Sisimulan nina da-ting Philippine No. 1 Patrick John Tierro at Fil-Am Mico Santiago ang kanilang kampanya para sa tiket sa main draw sa paghataw ng qualifying round ng $75,000 ATP Challenger Philippine Open sa Rizal Memorial Tennis Center.
Binigyan ang 30-anyos na si Tierro, isang Davis Cup vete-ran at ang 21-anyos na si Santiago, ranked 738th sa mundo, ng wild card entries para makalaro sa torneong inorganisa ng Sports Events Entertainment Management, Inc.
Kung mananalo sina Tierro at Santiago ay makakasama nila sina Fil-Am Ruben Gonzales at Francis Casey Alcantara, AJ Lim at Jeson Patrombon sa main draw na magbubukas sa Lunes.
Tumanggap sina Alcantara, Lim at Patrombon ng wild card slots na ibinibigay sa host country, habang nakapasok naman si Gonzales nang umatras si American sensation Frances Tiafoe.
Kasalukuyang nag-lalaro ang 17-anyos na si Tiafoe sa Australian Open. Ang mga laro na nagsisimula sa alas-11 ng umaga ay isinasaere sa TV5.
“This is the type of tournament that catapults players to big-time tennis, so we have reason to hope for the best,” sabi ni Philta vice president Randy Villanueva.
Kumpiyansa naman si Patrombon, nagbalik mula sa three-week training sa Chinese Taipei, para sa kanyang tsansa sa torneo.
“This is a very tough tournament where even the top 200 in the world need to make qualifying but my mindset here is to win one match at a time and see how it goes,” wika ng 22-anyos na si Patrombon, nakakuha ng wild card entry sa doubles kung saan makakatambal niya si Indonesian Christopher Rungkat. (JV)