MANILA, Philippines – Apat na dating national track and field team mainstays ay magko-coach simula ngayong taon.
Sina Arnel Ferrera, John Lozada, Rene Herrera at Danilo Fresnido, pawang mga Southeast Asian Games medallists ay itinalaga kamakailan ng Phl Track and Field Association bilang bahagi ng kanilang 12-man national team coaching staff.
Patuloy na pangungunahan ni Dario de Rosas ang coaching staff na kinabibilangan din nina Sean Guevarra, Luisito Artiaga, Jeoffrey Chua, Joebert Delicano Emer-son Obiena at Lerma Bulauitan-Gabito.
Wala na sina Roy Vence, Mario Castro, Arnold Villarube, Agustin Jarina, Nixon Mas at Ernie Candelario.
Magbabalik na sa pagko-coach sa national team si Jojo Posadas matapos mawala ng isang dekada.
“Masaya ako sa pagbabalik ko para tumulong na makadiskubre, mag-train ng national team athletes,” sabi ni Posadas.
Bilang coach, si Posadas ang gumiya kina Fidel Gallenero, Christopher Ulboc, Jeson Cid at Mercedita Manipol na nanalo lahat ng gold medals sa SEA Games.
Dahil sa sinasabing pulitika sa ilalim ng pamunuan ni Go Teng Kok, lumipat si Posadas sa pagko-coach sa schools kabilang ang Jose Rizal University na iginiya niya sa five-peat feat sa NCAA.
Sinabi ni Posadas na nakipag-ayos na siya kay Go na pinalitan ni Philip Ella Juico bilang bagong president ng PATAFA. (JV)