MANILA, Philippines – Nabigo ang dalawang Filipino boxers na hirangin bilang mga world champions sa pagpasok ng taong 2016.
Parehong natalo sina Vic Saludar at Warlito Parenas sa kanilang mga world title fights sa Japan.
Nabigo si Saludar na agawin kay Japanese Kosei Tanaka ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) minimumweight belt sa Nagoya.
Pinabagsak ni Tanaka ang dating Filipino amateur standout sa sixth round.
Nauna nang napatumba ni Saludar (11-2-0, 9 KOs) si Tanaka sa fifth round mula sa kanyang matulis na right straight.
Itinigil ni referee Mike Ortega ang laban sa 2:15 minuto ng sixth round makaraang mapatumba ni Tanaka mula sa isang mabigat na body shot.
Ito naman ang unang title defense ng 20-anyos na si Tanaka (6-0-0, 3 KOs) para sa kanyang suot na WBO minimumweight crown.
Sa Tokyo, bumagsak naman si Parenas kay WBO junior bantamweight title holder Naoya Inoue sa second round.
Dalawang beses pinabagsak ni Inoue (9-0-0, 8 KOs) si Parenas (24-7-1, 21 KOs) sa second round bago tuluyang awatin ng referee ang pagrapido ng Japanese sa 1:20 minuto.
Ito ang unang laban ng unbeaten champion matapos ang isang taon bunga ng dislocated right hand sa kanyang huling laban kay Omar Narvaez.