Rain or Shine nakatutok kay Fajardo
MANILA, Philippines – Si San Miguel Beer superstar June Mar Fajardo ang dahilan kung bakit pa-tuloy ang ginagawang pagpapalakas ng Rain or Shine.
May 6-1 record ang Beermen laban sa Elasto Painters sa nakaraang PBA season at ang 6-foot-10 na si Fajardo ang naging pangunahing problema ni coach Yeng Guiao.
“That has become a motivation for us. Actually kaya kami nag-revamp ng lineup hindi kasi namin matalu-talo yung San Miguel,” sabi ni Guiao.
“We wanted to get bigger. We know we can’t find anybody bigger than Fajardo so nagpalaki na lang kami as a team.”
Tinalo ng Rain or Shine ang Talk ‘N Text, 104-89 sa kanilang knockout duel para sa karapatang labanan si Fajardo at ang San Miguel sa best-of- seven semifinal series ng 2015-2016 PBA Philippine Cup.
Nagretiro na ang Elasto Painters point guard na si TY Tang, habang nai-trade nila sina guard Ryan Araña at center-forward Jervy Cruz sa off-season.
Tinawag ito ni Guiao na “great loss” ngunit kailangan ng Rain or Shine na magsakripisyo para lumakas.
Ang mga bagong players ng Elasto Painters ay sina Maverick Ahanmisi, Don Trollano at Jewel Ponferrada.
“All around nagpalaki kami. I’m hoping yung size differential is not going to be that much of a problem especially if we can keep our running game going,” wika ni Guiao.
Aminado si Guiao na mahirap kalaban si Fajardo at ang Beermen sa semis.
“It will be tough especially with the new rules. Hindi mo pwedeng itulak or banggain, so ang laking advantage talaga ng meron kang Fajardo or (Greg) Slaugther,” ani Guiao.
- Latest