MANILA, Philippines – Dalawa sa apat na referees sa knockout game ng crowd-favorite Ginebra San Miguel at Globalport ay sinuspinde hanggang matapos ang kasalukuyang PBA All Filipino Conference dahil sa mga lapses at non-calls sa krusyal na bahagi ng laro sa MOA Arena.
Ang mga referees na sina Mardy Montoya, Bing Oliva, Romell Gruta at Edward Aquino ay ipinatawag ni PBA commissioner Chito Narvasa sa kanyang opisina kahapon. Inimbitahan din ang ibang referee sa session.
Pagkatapos ng deliberation na tumagal ng dalawang oras, sinabi ng PBA na nagkamali ang mga refe-rees sa hindi pagtawag ng ball-hogging (five-second) violation at backing violation kay Globalport guard Stanley Pringle.
Si Gruta, na pinakamalapit sa pangyayari sa final eight seconds ng game na ipinanalo ng Globalport, ay sinuspinde kasama si Aquino, ang crew chief. Si Aquino ay nasa kabilang side ng court sa final play at siya dapat ang tumawag ng backing violation kay Pringle dahil na-trap siya kina Ginebra defenders Greg Slaughter at Solomon Mercado malapit sa halfcourt line.
Sa mga video na kumalat sa internet, nakitang matagal na hawak ni Pringle ang bola na hindi nagdi-dribble ng halos limang segundo na isang violation.
Naipasa ni Pringle ang bola bago pa man tumunog ang buzzer, ang iskor ay 84-83 pabor sa Gobalport.
Ang isa pang referee, kasama ang substitute, ay malayo sa aksiyon kaya hindi naparusahan ayon kay PBA media bureau chief Willie Marcial.
Sinabi ni Marcial na inamin ng mga referees ang pagkakamali at humingi sila ng paumanhin.
Hindi naglabas ng statement si Narvassa pagkatapos ng desisyon ngunit ayon kay Marcial, pinagsabihan ng commissioner ang mga referees na laging gawing maayos ang kanilang trabaho upang hindi na maulit ang insidente.
Natalo ang Ginebra sa naturang mahigpitang labanan at hindi nakarating sa semis at hindi na rin sila nag-file ng protesta kaya tuluyan nang umusad ang Globalport sa best-of-seven semis laban sa Alaska Milk na nagsisimula sa Jan. 4 sa MOA Arena.