MANILA, Philippines - Isang dati niyang sparmate ang maaaring labanan ni world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa susunod na taon.
Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na isa ang dating Russian world featherweight king na si Evgeny Gradovich sa mga posibleng sagupain ni Donaire sa Abril ng 2016.
Muling naisuot ni Donaire (35-3-0, 23 KOs) ang World Boxing Organization super bantamweight crown matapos talunin si Mexican Cesar si Juarez (17-4-0, 13 KOs) via unanimous decision noong Disyembre 12 sa San Juan, Puerto Rico.
Ang naturang laban nina Donaire at Juarez ay nabigyan ng nominasyon ng Boxing Writers Association of America (BWAA) para sa 2015 Fight of the Year.
Ayon sa 33-anyos na si Donaire, handa niyang idepensa ang WBO title laban kina Juarez, Cuban star Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) at kay mandatory challenger Mexican-American fighter Jessie Magdaleno (22-0-0, 16 KOs).
Si Gradovich (20-1-1, 9 KOs) ay naging sparmate ni Donaire sa kanilang title fight ni Wilfredo Vazquez Jr. noong 2012.
Napasakamay ni Gradovich ang International Boxing Federation featherweight title mula sa kanyang twelve round split decision kay Billy Dib ng Australia noong Marso 1, 2013.
Naisuko ni Gradovich ang titulo nang makalasap ng 8th round technical decision loss kay Lee Selby ng Great Britain noong Oktubre 24.
Nauna nang kinilala si Donaire bilang 2012 Fighter of the Year matapos magkakasunod na talunin sina Wilfredo Vasquez, Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.