MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon ay muling hinirang si small forward Sean Anthony bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week matapos pangunahan ang NLEX sa pagdiskaril sa hangarin ng Rain or Shine na makuha ang isa sa dalawang outright semifinals ticket ng 2015 PBA Philippine Cup.
Inungusan ni Anthony para sa nasabing weekly citation sina Barangay Ginebra center Greg Slaughter at Blackwater veteran playmaker Mike Cortez.
Kumamada si Anthony ng bago niyang PBA career-high na 37 points bukod pa sa 6 rebounds, 5 assists at 1 steal upang akayin ang Road Warriors sa 111-106 paggitla sa Elasto Painters.
Kaya naman itinuturing ni coach Boyet Fernandez ang dating McGill standout bilang mahalagang bahagi ng NLEX.
“Sean is a valuable piece in our system because he can play multiple positions, plus ‘yung binibigay niya is intensity inside the court na nadadala niya sa teammates niya,” sabi ni Fernandez.
Sa naturang panalo sa Rain or Shine ay humugot si Anthony ng 13 points sa fourth quarter para kumpletuhin ang pagbangon ng NLEX mula sa 13-point deficit.
Nagposte si Anthony ng mga career-best averages na 20.5 points, 11.5 rebounds, 3.7 assists at 1.1 steals para sa kampanya ng Road Warriors sa komperensya.
Sa quarterfinals ay lalabanan ng No. 7 NLEX ang sister team na No. 6 Talk ‘N Text, humahawak ng ‘twice-to-beat advantage, sa Araw ng Pasko sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bagama’t natalo ay may bitbit pa ring ‘twice-to-beat’ bonus ang No. 3 Rain or Shine kontra sa No. 10 Blackwater.