MANILA, Philippines – Matagal nang gustong labanan ni American Jessie Magdaleno si dating world four division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
At nang makuha ni Donaire ang bakanteng World Boxing Organization super bantamweight crown noong nakaraang Sabado ay lalo pang tumindi ang paghahamon sa kanya ni Magdaleno.
“I would love a crack at Donaire next,” sabi ni Magdaleno. “I’ve been waiting for awhile and now that he has a WBO title, I want it even more.”
Tinalo ng 33-anyos na si Donaire (36-3-0, 23 KOs) ang 24-ayos na si Mexican Cesar Juarez (17-4-0, 13 KOs) via unanimous decision para angkinin ang WBO super bantamweight title na tinanggal kay two-time Olympic Games golds medalist Guillermo Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) dahil sa hindi paglaban sa loob ng 11 buwan.
Inaasahang magiging madali ang pagtatakda sa upakan nina Donaire at Magdaleno (22-0-0, 16 KOs) dahil sa pagkakabilang nila sa Top Rank Promotions ni Bob Arum.
“I like the fight because it’s a fight that resonates in Las Vegas,” wika ni Arum sa paplantsahing Donaire-Magdaleno bout.
Naisuko ni Donaire ang kanyang dating bitbit na World Boxing Association featherweight belt kay Jamaican Nicholas Walters via sixth-round knockout noong Oktubre ng nakaraang taon.
Matapos ito ay dalawang sunod na panalo ang itinala ni Donaire para sa kagustuhang makabalik sa listahan ng mga world champions.
Hinirang si Donaire bilang 2012 Fighter of the Year matapos magkakasunod na talunin sina Wilfredo Vasquez, Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.