MANILA, Philippines – Sapat na ang dalawang magkasunod na pagkamada ni Globalport point guard Terence Romeo para hirangin siya bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Laban sa Meralco Bolts ay nagpasabog si Romeo ng season-high na 33 points para tulungan ang Batang Pier sa 108-104 panalo noong Disyembre 9.
Matapos ang apat na araw ay nagsalpak naman ang 5-foot-10 guard at 2014 Most Improved Player ng isang mahalagang three-point shot kasunod ang isang layup mula sa isang crossover move para itakas ang Globalport kontra sa Mahindra sa overtime, 118-116.
Ang naturang dalawang magkasunod na panalo ang nagbigay sa Batang Pier ng 7-3 record para masambot ang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinal stage.
“Wala akong masasabi sa bata (Romeo) kasi nung kailangan ng three points, dun siya pumutok. Hindi siya nawalan ng kumpiyansa dahil naitabla niya tapos in transition nai-shoot pa niya (kontra sa Mahindra),” sabi ni coach Pido Jarencio sa 23-anyos na si Romeo.
Nagposte ang dating Far Eastern University star ng mga averages na 31 points, 6.5 rebounds at 4.0 assists sa da-lawang dikit na ratsada ng Batang Pier para ungusan sa weekly citation ang kakamping si Stanley Pringle at sina San Miguel guard Alex Cabagnot, Carlo Lastimosa ng Barako Bull at Ginebra rookie Scottie Thompson.
Malaki ang naitulong ng paglalaro ni Romeo sa kanyang dalawang buwan na kampanya para sa Gilas Pilipinas na sumegunda sa nakaraang 2015 FIBA-Asia men’s championships. (RC)