13-segundo lang ang kailangan ni McGregor

Conor McGregor

MANILA, Philippines – Kinailangan lamang ni Conor McGregor ng 13 segundo para pabagsakin si Brazilian legend Jose Aldo sa UFC 194 main event para hirangin bilang undisputed UFC featherweight champion kahapon sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Kumonekta ang Irishman na si McGregor ng isang brutal left hand na tumama sa panga ni Aldo kasunod ang pagtumba ng Brazilian na una ang mukha sa canvas.

Nang bumagsak si Aldo ay pinaliguan siya ni McGregor ng hammer fists.

Kaagad itinigil ng referee ang laban at lumundag si McGregor sa itaas ng Octagon para ipagdiwang ang kanyang tagumpay.

“Again, nobody can take that left hand shot. I tell you, he’s powerful and he’s fast, but precision beats power, and timing beats speed, and that’s what you saw out there,” sabi ni McGregor, na-ging interim champion matapos talunin si Chad Mendes noong Hulyo sa UFC 189.

Ito ang unang kabiguan ni Aldo sa UFC at ikalawa sa kanyang career matapos matalo noong November 2005.

“I think that we need a rematch. That was really not a fight, so we need to get back in here,” sabi ni Aldo sa pamamagitan ng translator.

Bago ang kanyang pagkatalo ay pitong beses naidepensa ni Aldo ang kanyang UFC featherweight crown.

Show comments