MANILA, Philippines – Hindi kaya ng mga graduating players na sina RR Pogoy, Mike Tolomia at Mac Belo na lisanin ang University Athletics Association of the Philippines nang walang korona.
Nagtuwang sina Pogoy Tolomia at Belo sa fourth quarter para igiya ang Far Eastern University sa 67-62 panalo laban sa University of Sto. Tomas sa Game Three at angkinin ang titulo ng 78th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Winakasan ng Tamaraws ang kanilang 10 taon na pagkauhaw sa UAAP crown.
“Defense lang talaga. Alam namin na ganun talaga ‘yung laban namin sa UST na lalamang kami, lalamang sila. Pero in the end mas maganda ang defense namin sa kanila,” sabi ni Tolomia.
Tumapos si Belo na may 23 points kasunod ang 14 ni Pogoy at 13 ni Tolomia.
Tinapos ng FEU, nakamit ang kanilang kabuuang ika-20 titulo, ang kanilang best-of-three championship series ng UST sa 2-1 matapos kunin ang Game One, 75-64, noong nakaraang Miyerkules at isuko ang 56-62 kabiguan sa Game Two noong Sabado.
Huling nagkampeon ang Morayta-based team noong 2005 sa pangunguna ni Arwind Santos.
Matapos magtabla sa halftime 30-30 ay lumayo ang Tamaraws sa 47-40 abante sa 3:20 minuto ng third period mula sa basket ni Tolomia hanggang ilista ang 51-41 abante sa huling 1:28 minuto nito.
Isang mahabang 14-0 atake ang ginawa nina Ed Daquioag, Kent Lao at Marvin Lee para ibigay sa Tigers ang six-point lead, 59-53 sa 4:26 minuto ng fourth quarter.
“Nandoon ‘yung pressure pero nag-commit lahat ng players na mag-pressure defense kaya kami nakabalik,” sabi ng 6-foot-4 na si Belo na nagkaroon ng cramps sa third period at pinilit maglaro sa final canto. “Sabi ko kahit nag-cramps na ako talagang ibibigay ko na ang lahat.”
Kumamada si Pogoy ng dalawang salaksak at isang three-point shot kasunod ang drive ni Tolomia para muling itaas ang FEU sa 63-60 patungo sa hu-ling 1:01 minuto.
Huling nakadikit ang UST sa 62-63 agwat buhat sa dalawang free throws ni Daquioag sa nalalabing 54.5 segundo.
Kasunod nito ang isinalpak na limang free throws nina Tolomia, Belo at Russel Escoto para sa 67-62 bentahe ng Tamaraws sa Tigers sa natitirang 11.4 segundo.
Nalimitahan naman si Kevin Ferrer ng UST sa 6 points matapos magpasabog ng 29 markers sa kanilang panalo sa Game Two. (Russell Cadayona)
FEU 67 - Belo 23, Pogoy 14, Tolomia 13, Tamsi 6, Ru. Escoto 5, Inigo 3, Jose 2, Orizu 1, Dennison 0, Arong 0, Ri. Escoto 0, Trinidad 0.
UST 62 - Daquioag 21, Abdul 12, Lee 9, Ferrer 6, Vigil 6, Lao 6, Bonleon 2, Sheriff 0, Faundo 0, Huang 0.
Quarterscores: 18-19; 30-30; 51-46; 67-62.