PBA magdaraos ng official games kung saan may mga OFWs
MANILA, Philippines – Kung saan may mga OFWs ay pupuntahan ng Philippine Basketball Association.
Ito ang ipinangako ni PBA Commissioner Chito Narvasa ukol sa hangarin niyang makapagsagawa ng mga laro sa ibang bansa matapos ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga OFWs sa Dubai.
“We all know that our kababayans abroad don’t have much leisure time. When they come home, kasama sa kasabikan nila ang manood ng PBA,” sabi ni Narvasa.
“The PBA going to where they are is our way of giving back to what we call our modern-day heroes,” dagdag pa nito.
Labis na dinagsa ng mga OFWs ang dalawang laro ng Alaska laban sa Barangay Ginebra at Mahindra.
“I saw it in Dubai. The reception was not just warm. They’re genuinely very, very happy just to be able to see our basketball stars,” sabi ni Narvasa. “If we can do more activities outside the country, the better. We’ll find time to work within our schedule. Susubukin natin pagbigyan lahat.”
Umaasa ang Clique Events, ang organizing partner ng PBA sa Dubai, na muli silang makakapagsagawa ng mga official games sa darating na 2016 PBA Commissioner’s Cup.
Para sa third conference ay magtutungo ang PBA sa Taipei.
Sa susunod na taon naman ay posibleng makapaglaro ang PBA sa Qatar at sa Saudi Arabia, ayon kay PBA media bureau chief Willy Marcial.
“We’ve had initial talks with the Qatar and Saudi groups. They have expressed clear intention to host PBA games. Our prospective Qatar host is the Qatar basketball federation, no less,” wika ni Marcial.
Nakapaglaro na ang local pro league sa Indonesia, Hong Kong at Guam.
Muli ring isasagawa ang Legends games matapos dumayo sa New Zealand ang grupo nina Alvin Patrimonio, Jerry Codiñera, Jojo Lastimosa, Kenneth Duremdes, Marlou Aquino, Bal David at Noli Locsin.
Alam ng mga PBA ball clubs na nakakapagbigay sila ng kasiyahan sa mga Pinoy sa abroad.
Sa katunayan ay sinimulan ng Alaska ang kanilang workouts sa pagbisita nila sa Dubai.
Binigo ng Aces ang Enforcers bago natalo sa Gin Kings sa kanilang dalawang laro.
“You can feel ‘yung pagkasabik nila makasalamuha ang kababayan nilang dinadalaw sila,” wika ni Alaska chief playmaker JVee Casio.
“Nakakataba ng puso na alam mong nakapagpasaya ka ng kapwa Filipino na nasa abroad. Iyon yung pakiramdam ko,” sabi naman ni forward Calvin Abueva, naging bahagi ng Manila West team na sumabak sa FIBA World Tour 3x3 finale sa Doha, Qatar.
“I’m all in for this knowing we sacrifice a little as compared to what these guys bring to our country,” wika naman ni Sonny Thoss.
- Latest