LARO SA LUNES
Cuneta Astrodome)
4 p.m. -- Petron vs Foton (Game 2, Finals)
MANILA, Philippines – Matapos sibakin ang top seed na Philips Gold sa semifinals ay pinabagsak naman ng Foton ang nagdedepensang Petron para makalapit sa inaasam na korona.
Tinalo ng Tornadoes ang Blaze Spikers sa pamamagitan ng 14-25, 25-21, 25-19, 25-22 panalo sa Game One ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix Finals kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“They were very tight in the first set. But they picked up their energy in the second and third sets, which is very good for a young team like us,” sabi ni coach Villet Ponce-de Leon sa kanyang Foton na dalawang beses tinalo ng Petron sa elimination round.
Muling binanderahan ni American import Lindsay Stalzer ang Tornadoes sa kanyang tinapos na match-best 25 hits na tinampukan ng 23 kills, habang nagdagdag sina reinforcement Kathleen Messing at Jaja Santiago ng 17 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Ang 6-foot-3 power-spiking na si Stalzer ang sinandigan ng Tornadoes, ang No. 4 seed sa semis, nang maisuko ang opening set sa Blaze Spikers.
Sa pakikipagtulungan kina Messing at Santiago ay hindi na nagpapigil ang Foton para palakasin ang tsansang makamit ang kampeonato na inihahandog ng Asics katuwang ang Milo with Senoh, Mikasa at Mueller bilang technical partners at TV5 bilang official broadcaster.
Pinigilan ni Fil-Am Kayla Tiangco-Williams ang spike ni Dindin Santia-go ng Petron para selyuhan ang kanilang panalo.
May pagkakataon ang Tornadoes na maisubi ang korona kung mananalo sa Game Two sa Lunes.