Aces gusting magsolo sa No. 1

MANILA, Philippines – Hangad ng Alaska na solohin ang liderato, habang tangka ng Rain or Shine at NLEX na maipagpatuloy ang kanilang arangkada.

Lalabanan ng Aces ang Road Warriors ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Elasto Painters at ng Barako Bull Energy sa alas-7 ng gabi sa 2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Nanggaling ang Alaska sa dikitang 107-102 panalo laban sa Star noong nakaraang Martes kung saan naimintis ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap ang dalawang malapitang tira na nagdikit sana sa Hotshots.

“We had a couple of late game transition buckets that really helped us,” sabi ni American coach Alex Compton sa pagtakas ng kanyang Aces para makatabla sa liderato ang nagdedepensang San Miguel Beermen sa magkatulad nilang 5-1 record.

Umiskor naman ang NLEX ng 93-91 panalo laban sa Meralco noong Martes na kinatampukan ng krusyal na dalawang free throws ni Sean Anthony sa huling mga segundo ng fourth quarter.

“I told the boys that we have to be consistent,” wika ni mentor Boyet Fernandez sa kanyang Road Warriors. “Hopefully, we’ll address our consistency and hopefully our offense will just come in.”

Muling aasahan ng Alaska sina Casio, Cyrus Baguio, Calvin Abueva, Sonny Thoss, Vic Manuel at Dondon Hontiveros katapat sina Anthony, Asi Taulava, Jonas Villanueva, Kevin Alas at Chico Lanete ng NLEX.

Sa ikalawang laro, pipilitin ng Rain or Shine na maduplika ang kanilang 103-81 paggupo sa Blackwater noong nakaraang Sabado sa pagharap sa Barako Bull.

Sa naturang panalo ng Elasto Painters kontra sa Elite ay kumamada si sophomore guard Jericho Cruz ng career-high na 23 points, 3 assists, 2 rebounds at 1 steal sa loob ng 20 minuto.

“Jericho is a sophomore with our team. He’s blended well, he picked up his game,” sabi ni coach Yeng Guiao sa dating kamador ng Adamson Falcons. “It’s just matching a player’s personality and ability with the kind of system a team has.”

Hangad naman ng Energy na makabangon buhat sa masaklap na 105-106 pagkatalo sa Beermen noong nakaraang Linggo.

Show comments