Laro Sa Sabado (Smart Araneta Coliseum)
3:30 p.m. UST vs FEU (Game 2, Finals)
MANILA, Philippines – Bagama’t naisuko ang itinayong 14-point lead sa third period ay nagawa pa rin ng Tamaraws na makabalik sa kanilang porma at makalapit sa inaasam na korona matapos ang 10 taon.
Sinamantala ang tatlong krusyal na turnover ng University of Sto. Tomas sa huling dalawang minuto, kinuha ng Far Eastern University ang 75-64 panalo sa Game One ng 78th UAAP men’s basketball championship kagabi sa harap ng 18,450 fans sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inangkin ng FEU, dalawang beses tinalo ng UST sa elimination round, ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-three titular showdown.
“It’s because of our defense,” sabi ni coach Nash Racela sa kanilang panalo. “They worked hard on defense at the start of the game, and it showed today.”
Inilapit ng Tamaraws, huling nagkampeon noong 2005, ang kanilang sarili sa pagsikwat sa nangungunang ika-20 korona kung mananalong muli sa Tigers sa Game Two sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos kunin ng FEU ang 14-point lead, 51-37, sa gitna ng third quarter ay kumayod naman ang UST ng 14-5 atake para makalapit sa 51-56 agwat sa huling 45.6 segundo mula sa dalawang free throws ni import Abdul Karim.
Ganap na naagaw ng Tigers ang unahan sa 62-61 buhat sa drive ni Louie Vigil sa 5:52 minuto sa fourth period.
Isang 10-0 bomba ang inihulog ng Tamaraws sa likod nina Mac Belo, Mike Tolomia, Russel Escoto at import Prince Orizu para ilista ang 71-62 bentahe sa huling 1:20 minuto ng laro.
Ang dalawang turnover ng UST ang nagresulta sa apat na dikit na free throws ni Belo para ibigay sa FEU ang 75-62 kalamangan sa nalalabing 34.5 segundo.
Huling naglaban sa UAAP Finals ang Tamaraws at ang Tigers noong Oktubre 18, 1979 kung saan umiskor si American import Anthony Williams ng 35 points para igiya ang Mendiola-based cagers sa titulo.
FEU 75 - Pogoy 15, Tolomia 14, Belo 13, Ru. Escoto 12, Orizu 10, Tamsi 5, Jose 4, Arong 2, Dennison 0, Ri. Escoto 0, Inigo 0.
UST 64 - Abdul 19, Ferrer 15, Vigil 8, Bonleon 6, Sheriff 6, Lee 6, Daquioag 4, Faundo 0, Lao 0.
Quarterscores: 28-24; 47-34; 57-51; 75-64.