NLEX isinalba ni Anthony

MANILA, Philippines –  Nakita ng NLEX kung paano natunaw ang itinayo nilang 10-point lead sa third period matapos ang 19-4 atake ng Meralco ngunit sa huli ay sinandalan ng Road Warriors ang dalawang free throws ni Sean Anthony sa natitirang 8.8 segundo para takasan ang Bolts, 93-91 sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Umiskor si 6-foot-9 Fil-Tongan Asi Taulava ng team-high na 22 points kasunod ang 19 ni Anthony, 17 ni Jonas Villanueva at 16 ni Kevin Alas para sa ikalawang sunod na panalo ng NLEX.

“We’re happy that we got this second straight win against our sister team,” sabi ni coach Bo-yet Fernandez patungkol sa naunang 107-101 panalo ng Road Warriors kontra sa Talk ‘N Text Tropang Texters. “Hopefully, we can erase that little brother name for us.”

Ipinoste ng NLEX ang 10-point lead, 58-48 sa third period bago sila nalamangan ng Meralco sa 91-90 sa huling 9.8 segundo ng fourth quarter mula sa three-point shot ni Gary David.

“Gary David, he came back in the second half. Our game plan is to limit Gary,” wika ni Fernandez. “Give credit to Jonas (Villanueva) because he’s been hounding Gary all game long.”

Makaraan ang tres ni David para sa nasabing abante ng Bolts ay nagsalpak naman si Anthony ng dalawang free throws sa huling 8.8 segundo para sa 92-91 kalamangan ng Road Warriors.

Ang turnover ni David sa panig ng Meralco ang nagresulta sa free throw ni Alas sa natitirang 2.6 segundo na tumiyak sa panalo ng NLEX.

Humugot ang Bolts ng 21 points kay rookie guard Chris Newsome kasunod ang 19 ni David at 14 ni Cliff Hodge.
NLEX 93 – Taulava 22, Anthony 19, Villanueva J. 17, Alas 16, Khobuntin 6, Enciso 5, Borboran 3, Villanueva E. 3, Lanete 2, Arboleda 0, Reyes 0.

Meralco 91 – Newsome 21, David 19, Hodge 14, Al-Hussaini 10, Faundo 10, Dillinger 9, Nabong 4, Atkins 2, Hugnatan 2, Alapag 0, Amer 0, Buenafe 0.

Quarterscores: 24-18; 46-37; 65-67; 93-91.

Show comments