MANILA, Philippines – Tinalo nina rookies Divine Wally ng Baguio City at Arnel Mandal ng Iloilo City ang kanilang mga karibal para angkinin ang gold medal sa 13th World Wushu Championships sa Jakarta, Indonesia.
Dinaig ng 19-anyos na si Wally, isang silver medalist sa 7th Asian Junior Championships at sa 2015 SEA Games, si Vietnamese Luan Thi Hoang para mamayani sa 48kg division at maging unang Filipina na nanalo ng gintong medalya sa event.
Dinaig naman ng 20-anyos na si Mandal si Indian Uchit Sharma para sikwatin ang gold medal sa 52kg category.
Kumuha din si 2014 Asian Games bronze medallist at 2015 SEA Games silver medalist Francisco Solis ng Iloilo City ng tanso sa 65kg class matapos matalo kay 2014 Asian Games champion Hong Xing Kong ng China.
Nakatabla ng Pilipinas sa pang-walong puwesto ang Macau, habang bumandera ang China sa medal table sa nakolektang 14 gold medals kasunod ang Indonesia at Iran na may pito at anim na gintong medalya, ayon sa pagkakasunod, sa event na nilahukan ng 904 atleta mula sa 76 bansa.