MANILA, Philippines – Matapos si Bobby Ray Parks, Jr. ng National University ay si Ateneo De Manila University guard Kiefer Ravena ang naging ikalawang player na hinirang na back-to-back UAAP Most Valuable Player.
Mula sa kanyang hinakot na 69.5 statistical points (SPs) sa likod ng league-best na 18.9 points, 4.9 assists at 6.1 rebounds per game para sa Blue Eagles, kinilala si Ravena bilang MVP ng 78th UAAP men’s basketball tournament.
Nakamit ni Parks ng Bulldogs ang kanyang dalawang sunod na MVP titles noong Seasons 74 at 75.
Tinalo ni Ravena ang karibal na si Kevin Ferrer ng University of Santo Tomas para sa top individual honor.
Nagposte si Ferrer ng 17.9 points at 8.2 rebounds per game para sa kanyang 67.36 SPs sa kampanya ng Tigers.
Nagtapos sa ikatlo si import Alfred Aroga ng NU sa kanyang 63.29 SPs sa itaas nina La Salle star Jeron Teng (60.79 SPs) at Ed Daquioag (60.57 SPs) ng UST.
Ang iba pang pumuwesto sa Top 10 sa MVP race ay sina Adamson import Papi Sarr (58.29 SPs), Karim Abdul (57.43 SPs) ng UST, Gelo Alolino (55.71 SPs), ng NU at sina Mac Belo (54.29 SPs) at Mike Tolomia (50.29 SPs) ng FEU.