MANILA, Philippines – Dalawang minuto lamang nakita sa aksyon si Fil-American guard Bobby Ray Parks, Jr. sa kanyang debut sa NBA D-League.
Naglista ang 6-foot-4 na si Parks ng 0-of-2 fieldgoal shooting bukod pa sa dalawang foul at isang turnover sa 81-106 pagyukod ng Texas Legends laban sa Austin Toros, ang koponan ng Dallas Mavericks sa D-League sa Cedar Park Center sa Texas.
Ang dating National University Bulldogs standout at two-time UAAP Most Valuable Player ay naging kauna-unahang Pinoy na naglaro sa NBA D-League.
Naglaro ang anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks para sa Mavericks sa NBA pre-season bago napabilang sa 17-man training camp team ng Legends matapos mapili bilang 25th overall pick.
Pormal siyang ibinilang ni coach Nick Van Exel sa 10-man regular season roster ng Legends.
Ang 6’8 na si Japeth Aguilar ang unang Pinoy na nahugot sa NBA D-League noong 2012. Nakuha sa seventh round ng Santa Cruz Warriors, hindi nakasama si Aguilar sa main roster ng koponan.