Philips Gold binawian ang Cignal para solohin ang liderato

MANILA, Philippines – Binalikan ng matindi ng Philips Gold Lady Slammers ang Cignal HD Lady Spikers nang kunin ang 25-22, 25-14, 25-23 straight sets panalo sa 2015 Phi-lippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Itinaas ng Lady Slammers ang kanilang laro para hindi magawa ng Cignal ang nais na diskarte sa laro tungo  sa 7-2 karta at solohin ang liderato sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at suportado ng Mikasa, Mueller at Senoh bukod sa napapanood sa TV5.

“Gusto ko lang na maging happy sila kapag nag-lalaro. Naghanda rin kami lalo na sa depensa dahil ito ang unang hanay para makaopensa kami,” wika ni Philips Gold coach Francis Vicente na natalo sa five sets sa unang pagtutuos.

Si Bojana Todorovic ay mayroong 18 kills at 1 block at siya ay nakipagtulungan kina Alexis Olgard at Myla Pablo para tumibay ang paghahangad ng koponan na pangunahan ang double round elimination.

Dominante ang Lady Slammers sa attack points, 55-35 at sa second set ay binigyan lamang nila ng tatlong attack points ang Cignal para sa 2-0 karta.

Dikitan ang nangyari sa ikatlong set at huling nagtabla ang iskor sa 21-all pero pumukol ng magkasunod na kills si Pablo para sa 23-21 bentahe.

Ang patusok na atake ni Olgard ang nagbigay ng double matchpoint sa Philips Gold, 24-22 at kahit nabawi ng Cignal ang isa, natapos ang laro nang pag-agawan nina Michelle Laborte at  Cherry Ann Vivas ang bola tungo sa error.

May 14 at 13 puntos sina Olgard at Pablo para sa nanalong koponan.

Bumaba sa 6-3 baraha ang Cignal at wala sa kondisyon ang batikang spiker na si Ariel Usher matapos ang 13 kills lamang sa laro.

Show comments