MANILA, Philippines - Nakita ang malaking puso ni Gelo Alolino nang ilabas ang pinakamagandang porma sa mahalagang laro upang tumatag pa ang laban ng National University Bulldogs para sa puwesto sa Final Four sa 78th UAAP men’s basketball.
Ang 5’8” guard na isa sa mahalagang manlalaro ni coach Eric Altamirano noong pinagharian ng Bulldogs ang liga ay gumawa ng career-high na 26 puntos upang ihatid ang koponan sa 75-69 panalo sa UP Maroons.
May magandang 9-of-16 shooting si Alolino na sinangkapan ng 4-of-7 sa 3-point line, bukod pa sa 10 rebounds at 3 assists sa 33.5 minutong paglalaro.
“Napakalaki ng role ni Gelo sa team. Siya na ang point guard namin at kailangan pa niyang umiskor sa team. But he is living up to it,” papuri ni Altamirano sa kanyang manlalaro.
May 19 puntos siya sa second half at 12 rito ay inihatid sa huling yugto para hindi makabangon ang Maroons.
Limang buslo ang naipasok ni Alolino sa huling 10 minuto kasama ang ikalawang tres sa yugto na nagbigay sa Bulldogs ng 66-60 bentahe.
“He is carrying this team not only on offense but in everything that we do in the court,” dagdag ni Altamirano.
“Ginagawa ko lang ang responsibility na ibinigay sa akin ni coach. Pero hindi naman ako lang ang nagpapanalo sa team dahil credit sa mga teammates ko ang magandang depensa ng team,” ani Alolino na napiling ACCEL-QUANTUM 3XVI UAAP Player of the Week citation.