MANILA, Philippines - Sa unang tatlong laro ng Barangay Ginebra sa 2015 PBA Philippine Cup ay hindi maikakailang malaki ang ginagampanang papel ni seven-foot center Greg Slaughter.
Nagtala si Slaughter ng mga averages na 27.3 points at 20.3 rebounds, kasama dito ang hinakot niyang 27 points at 19 rebounds sa 93-92 pagtakas ng Gin Kings kontra sa Alaska Aces noong nakaraang Sabado sa Dubai, United Arab Emirates.
Ang dalawang free throws ng dating Ateneo Blue Eagle sa natitirang 4.1 segundo ang nagtawid sa Ginebra sa panalo laban sa Alaska.
Ito ang unang panalo ng Gin Kings sa ilalim ng pamamahala ni two-time PBA Grand Slam coach champion Tim Cone.
“We just need to come out with a defensive mindset. Coach has been telling us to come out with our A-game because every team will always come out with their best,” wika ng dating PBA Rookie of the Year awardee.
Dahil sa kanyang kabayanihan ay hinirang ang 27-anyos na si Slaughter bilang Accel-PBA Press Corps. Player of the Week.
Tinalo ni Slaughter para sa weekly honor sina Globalport Fil-Am guard Stanley Pringle, Blackwater guard Carlo Lastimosa at Peter June Simon ng Star.
Hangad ng Ginebra ang kanilang unang back-to-back wins sa paghahamon sa nagdedepensang San Miguel sa Linggo sa Philsports Arena sa Pasig City.