MANILA, Philippines – Magkakaroon ng pagkakataon ang mga panatiko ng beach volleyball na makapanood ng mga de-kalidad na dayuhang koponan na maglalaro sa kanilang harapan.
Ito ay dahil may 11 dayuhang bansa na ang nagkumpirma na sasali sa 1st Spike For Peace women’s beach volleyball, itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) na gagawin sa Philsports Arena sa Pasig City mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3.
Ang mga bansang nagsabi na sasali ay mula US, Australia, Poland, Sweden, Switzerland, Netherlands, Japan, Thailand, Spain, New Zealand at Indonesia.
Imbitado rin ang China, Brazil at Argentina pero hindi pa sila sumasagot dito.
“Gusto namin na maipakita rin ng ating mga kababayan ang larong beach volleyball na isa ring Olympic sport. Hindi rin naman malaki ang gastos dito at malaki rin ang magagawa nito para magkaroon ng experience ang ating mga players kaya gagawin natin ito,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Ang Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ang katuwang ng PSC para maayos na mapatakbo ang torneo at sila rin ang bubuo sa koponang mula sa host country.
“Ang LVPI ang NSA sa volleyball kaya sila ang magsasabi kung sino ang maglalaro para sa atin. Pero kung ako ang tatanungin, maganda sana kung magsama rito sina Jovelyn Gonzaga at Alyssa Valdez na alam natin ang kakayahan,” dagdag ni Garcia.
Sinahugan ang kompetisyon ng $25,000,00 gantimpala at ang magkakampeon ay mayroong $8,000.00 pabuya. Ang premyo ay aabot hanggang sa ikawalong team na tatapos sa kompetisyon. (AT)