MANILA, Philippines – Nakuha ng IEM Volley Masters ang larong hina-hanap sa kanila para manatiling buhay ang paghahabol ng upuan sa susunod na yugto ng Spikers’ Turf Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Michael Ian Conde ay gumawa ng 15 puntos mula sa 11 kills, 3 blocks at isang aces habang sina Eden Canlas, Jeffrey Jimenez at Michael Zamora ay nakitaan ng magandang laro para ibigay sa IEM ang 25-19, 25-23, 26-24 panalo sa Sta. Elena Wrecking Balls.
Angat ang IEM sa spike, 41-35 dahil si Canlas ay gumawa ng 8 kills, habang si Jimenez ay may two blocks tungo sa 7-5 bentahe. Ang magkabilang koponan ay nagtala ng tig-apat na aces.
May panuportang siyam na puntos si Jimenez habang si Zamora ay naghatid pa ng pitong puntos at ang IEM ay nanalo sa unang pagkakataon matapos ang tatlong dikit na kabiguan sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Ang baguhang Sta. Elena na humugot ng 12 at 10 puntos kina Joven Camaganakan at Arjay Onia ay tumapos ng elimination round sa 1-4 baraha para mamaalam na sa kompetisyon.
Samantala, sisikapin ng PLDT Home Ultera Fast Hitters ang patikimin ng unang pagkatalo ang na-ngunguna at semifinalist nang Air Force sa pagpapatuloy ng laro ngayong ika-5 ng hapon.
Pihadong nasa kondisyon ang Open Conference titlist dahil ang makukuhang panalo ay magsisilbing tiket para sa ikatlong upuan sa semifinals.
Ang Cignal HD Spikers na may 3-1 baraha ay nakatiyak na rin ng upuan sa susunod na yugto. (AT)