MANILA, Philippines – Hindi pinayagan ng UST Tigers na maipaghiganti ng FEU Tamaraws ang natatanging mantsa sa kanilang karta nang kunin ang 85-76 panalo sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ang mga starters na sina Karim Abdul, Kevin Ferrer, Louie Vigil at Ed Daquiaog ay tumapos taglay ang 21, 21, 13 at 11 puntos habang ang off-the-bench player na si Mario Bonleon ay naghatid pa ng 13 para sa balanseng pag-atake upang kunin na ng Tigers ang playoff para sa twice-to-beat advantage sa 10-3 karta.
Ito ang unang pagkakataon mula noong Season 69 na winalis ng UST ang head-to-head nila ng Tamaraws upang ipakita na sila ang kontrapelo ng FEU na nangunguna pa rin sa 10-2 baraha.
“It’s all heart. We wanted the twice-to-beat advantage and we have to win this game at all cost,” wika ni Abdul na gumawa ng 7-of-13 shooting.
Naunang lumamang ng hanggang 14 puntos ang FEU pero hindi sumuko sa kadedepensa ang Tigers para maputol din ang siyam na diretsong panalo ng Tamaraws.
Tinapos ng Tigers ang ikatlong yugto gamit ang 18-5 palitan para hawakan ang 69-59 bentahe habang sina Abdul, Vigil at Bonleon ang nagbigay sa koponan ng pinakamalaking kalamangan na 13 puntos, 78-65.
Nagpakita naman ng katatagan ang talsik nang Adamson Falcons para silatin ang UE Warriors, 74-71, sa unang laro.
Dumikit ang UE sa 72-71 pero nadepensahan ng Falcons ang atake ni Edgar Charcos bago humirit ng dalawang free throws si Joseph Nalos para sa tatlong puntos na kalamangan.
Kinapos ang panab-lang tres na binitiwan ni Chris Javier para sa ikalawang panalo sa huling tatlong laro at 3-10 kabuuang karta.
May 17 puntos si Clark Derige para sa UE na bumaba sa 4-8 karta para maapektuhan ang paghahabol ng upuan sa Final Four. (AT)