MANILA, Philippines - Magtatagisan ng lakas ang iba’t ibang gym sa buong bansa sa pagdaraos ng 2015 RAW Philippine National Powerlifting Championship sa Nobyembre 21-22 sa Fisher Mall sa Quezon City.
Ang torneo ang magsisilbi ring qualifying round para sa 2016 Asian Classic Powerlifting Championship sa Poland at USA.
Pangungunahan ni world class powerlifter Joan Masangkay ng Cyber Muscle gym team ang National Powerlifting tournament kasama sina Jeremy Reign Bautista ng Valle Verde, Jasmine Martin Gayanes Gorillas, Regie Ramirez at Anita Koykka Zest Power Gym.
Dominado ni Masangkay ang 43-kilogram weight class kung saan siya bumandera sa sub junior division hawak ang national record sa bench press (32.5kg), deadlift (95kg) para sa grand total na 187.5kg.
Tatangkain ni Masangkay na burahin ang national record na hawak ni Veronica Ompod ng Leyte Sports Academy sa bigat na 67.5kg sa squat.
Ang national record sa 52kg weight class ay tangan naman ni Bautista matapos bumuhat ng 45kg sa bench press.
Hangad niyang burahin ang record ni Daisy Lipasana ng Leyte Sports Academy sa squat na may bigat na 80kg at ni Myris Supnad ng University of the Philippines sa deadlift sa bigat na 102.5kg para sa kabuuang 222.5kg.