Curry muling sinapawan si Harden sa kanilang rematch
HOUSTON – Ipinakita ni Stephen Curry sa mga fans ng Houston na siya ang tunay na NBA Most Valuable Player.
Umiskor si Curry ng 25 points at inihatid ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 112-92 panalo kontra sa Rockets sa rematch ng Western Conference finals.
Pinakinggan ni Curry ang pagsigaw ng mga Houston fans ng “MVP! MVP!” kay Rockets guard James Harden.
Ngunit sinapawan ni Curry si Harden sa iskoran, 25-16, at muling nakamit ang panalo kagaya ng kanyang paghakot ng MVP vote at sa five-game victory ng Warriors na nag-akay sa kanila sa NBA Finals.
“The best players in this league learn every year how to get a little bit better, a little bit more efficient,” sabi ni Curry. “I’m just trying to follow suit.”
Nagdagdag si Curry ng 7 rebounds at 6 assists.
Tumipa naman si Marreese Speights ng 14 points, habang may tig-12 sina Andre Iguodala at Harrison Barnes kasunod ang 11 ni Klay Thompson.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ni interim coach Luke Walton, pansamantalang pumalit kay Steve Kerr na nagmula sa back surgery.
Ipinoste ng reigning champions ang kanilang 2-0 record na kabaligtaran sa baraha ng Rockets.
Muling naging malamya ang laro ni Harden sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Tumapos ang MVP runner-up na si Harden na may 4-of-18 fieldgoal shooting, kasama dito ang 1-of-10 sa 3-point range.
“He’s not comfortable, but then, who is?” sabi ni Rockets coach Kevin McHale kay Harden. “I mean, I don’t see anybody who looks comfortable out there. We’re funky.”
Kumolekta naman si Dwight Howard ng 9 points at 7 rebounds para sa Houston para sa kanyang unang laro matapos isilbi ang one-game suspension dahil sa fourth flagrant foul niya sa postseason.
Sa Auburn Hills, Michigan, tinakasan ng Detroit Pistons ang paboritong Chicago Bulls sa overtime, 98-94.
Hindi pinaiskor ng Pistons si Derrick Rose sa unang tatlong quarters sa panig ng Bulls.
Itinala ng Detroit ang 3-0 marka sa unang pagkakataon matapos ang 4-0 baraha noong 2008-09.
Kumamada si Marcus Morris ng 26 points, samantalang humakot si Andre Drummond ng 20 points at 20 rebounds para sa Pistons.
Nag-ambag si Reggie Jackson ng 22 points, 7 assists at 7 rebounds.
Ang Detroit ang umiskor sa unang pitong puntos sa overtime kung saan nila kinuha ang 90-83 abante mula sa tres ni Anthony Tolliver.
Tumapos naman si Rose na may 8 points sa panig ng Chicago, habang may 23 markers si Jimmy Butler.
Sa San Antonio, kumuha ang Spurs ng malaking produksyon mula kina Kawhi Leonard at Tim Duncan, matinding depensa mula sa bawat isa at sermon sa halftime ni coach Gregg Popovich para kunin ang una nilang panalo sa season.
Umiskor si Leonard ng 16 points at may 15 si Duncan para tulungan ang Spurs sa 102-75 paggupo sa Brooklyn Nets.
- Latest