MANILA, Philippines – Inokopahan na ng FEU Tamaraws ang playoff para sa twice-to-beat advantage sa Final Four gamit ang 82-69 panalo sa Adamson Falcons sa 78th UAAP men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Russel Escoto ay mayroong 13 puntos tampok ang isang jumper upang ilayo ang FEU matapos dumikit sa apat ang Falcons, 68-64 para ilista ang ikasiyam na diretsong panalo at 10-1 baraha.
Ito ang ika-10 pagkatalo matapos ang 12 laro ng Falcons at ang pambatong si Papi Sarr ay nagkaroon lamang ng apat na puntos at walong rebounds na ikinatuwa ni FEU coach Nash Racela.
“We’re really focused on limiting Sarr. I’m happy we were able to execute our plan against him,” wika ni Racela na kailangan na lamang manalo ng isa sa huling tatlong laro para makuha ang mahalagang insentibo sa semifinals.
Nag-init sa huling yugto si Rodolfo Alejandro para pangunahan ang nagdedepensang kampeong National University Bulldogs sa 81-73 panalo sa La Salle Archers sa ikalawang laro.
May career-high na 25 puntos si Alejandro at 23 rito ay ginawa niya sa second half.
May 17 pa siya sa huling yugto at 14 rito ang nagsilbing mitsa sa 16-5 run ng Bulldogs upang ma-kabangon mula sa 48-53 iskor pabor sa Archers sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Ang 3-point play ni Alejandro sa huling 3:20 ng labanan ang nagbigay sa NU ng kanilang pinakamalaking kalamangan, 71-62 at napababa na lamang ito ng Archers ng hanggang tatlong puntos upang manatiling buhay ang title defense sa 5-7 karta.
“I saw the resiliency of the boys. At first we weren’t on the same page but we regrouped,” pahayag ni NU coach Eric Altamirano.
May 14 puntos pa si Nico Javelona habang si Alfred Aroga ay mayroong 11 puntos, 7 puntos at 5 assists para sa NU.
Si Jeron Teng ay mayroong 25 puntos para sa Archers na hindi pa nakakabangon matapos silatin ng Adamson tungo sa 5-6 baraha.
Pahinga ang liga sa linggong ito at babalik sa Nobyembre 4 sa isang double-header sa Smart Araneta Coliseum. (AT)